Monthly Archives: May 2005

Gusto rin nilang mag-aral

Nakakuwentuhan ko ang mga kaibigan ko sa kolehiyo na nagtuturo ngayon sa Philippine Science High School (PSHS) at bukod sa palitan ng mga balita tungkol sa aming mga kaklase, ay napag-usapan din namin kung bakit maraming mayayaman ang nakakapasok sa PSHS at maging sa UP.

Ilang beses silang nagbantay sa mga entrance exam ng PSHS at halos lahat daw ng nakakapasa sa unang screening ay magkakakilala dahil galing halos lahat sa mga eksklusibong paaralan.

Mayroong mahihirap na pumapasa kaso di sila nakakapunta sa pangalawang screening dahil walang pamasahe papunta sa Maynila o sa siyudad. Matiyaga nilang hihintayin ang mga bata mula sa baryo kaso tatawag na lang ang Prinsipal na wala raw pera ang mga magulang ng mga estudyante para makapag-eksam.

May mga ilan na galing pang Romblon o Palawan na ilang araw ang binabyahe papunta sa Maynila. Darating sila ng alas-dos ng umaga at maghihintay na lang sa labas ng eskuwelahan dahil wala silang matutuluyan o pera pambayad sa motel o inn. May mga estudyante na nakaplastik pa raw ang kakarampot na baon.

Sila ang matatalino nating mga estudyante na hindi makakatuntong sa mga premyadong eskuwelahan na pinopondohan ng gobyerno dahil sa kahirapan.

Advertisements

once upon a time

umuutang pa ako noon para lang makapanood ng pelikula ni jet li. sinusuyod namin ang mga video shop sa project 7, quezon city sa pag-asang makahiram ng mga piniratang VHS ng mga pelikula ni jet li galing hong kong. sa katunayan bukod sa paghanga ko kay chairman mao, kumuha ako ng chinese language na subject sa kolehiyo para maintindihan ko ang dayalog sa mga kung fu film ni jet li.

paborito ko yung mga unang pelikula ni jet li tungkol sa mga shaolin kids. sa unang pagkakataon ay nakita ng mundo kung paano sinasanay ang mga shaolin sa kung fu. sumikat lalo si jet li dahil sa ‘once upon a time in china’ series noong unang bahagi ng dekada nobenta. sa pakikipagkolaborasyon ni jet li kay tsui hark at yuen woo ping ay naisapelikula ang buhay ni wong fei hung, isang doktor sa lumang tsina na magaling sa martial arts. sumikat din ang karakter ni fong sai yuk.

pero para sa maraming tagasubaybay ng mga pelikula ni jet li tulad ko, di pa rin mapapantayan ang ‘fist of legend’ bilang klasikong kung fu na pelikula. dito nakita ang husay ni jet li sa martial arts at di siya lumilipad dito, talagang dinadaan lang sa tradisyunal na bilis ng suntok at sipa na para bang nanonood ka ng salsa.

natuwa ako ng maging bahagi si jet li ng lethal weapon 4 noong 1998. napanis si mel gibson at nagbukas ito ng oportunidad para sa mga aktor galing asya. panahon na siguro para matuto naman ang hollywood kung paano gumawa ng action movies ang mga taga-asya.

ngayon isa ng superstar si jet li sa amerika at buong mundo. marami na siyang nagawang pelikula sa hollywood. kaso walang dating ang mga pelikulang pinagbidahan niya tulad ng ‘the one’, ‘cradle to the grave’, ‘kiss of the dragon’ at ang pinakabago yung ‘unleashed’ o ‘danny the dog’. nagmumukha siyang van damme o steven seagal at nawala yung imahen niya bilang aktor na inangat ang lebel ng mga kung fu film. pilit na inaayon ang mga istorya para sa konsumo ng mga manonood sa amerika at europa. kaya tuloy palaging may mga gang war o mga sidekick na rapper o soundtrack na pang-MTV. kaya tuloy naihahanay si jet li kay john woo, jacky chan at chow yun fat bilang mga ‘sell-out’ dahil sa pagpayag nilang magpalamon sa dikta ng hollywood.

natutuwa naman ako at stylish pa rin ang fight scenes sa mga pelikula ni jet li. sana lang sa susunod niyang pelikula na tungkol ulit sa buhay ng isang bayani ng tsina ay makita muli ang mga matataas na lipad, mabibilis na suntok, at istoryang akma sa panlasa ng manonood at nababagay sa imahen ni jet li.

Overhaul the tuition system

The good news is that the Commission on Higher Education has decided to correct a decade of monumental blunder of feigning helplessness towards skyrocketing school fees by issuing a new regulation on the imposition of tuition increases and miscellaneous fees.

The bad news is that it is too late already. The directive should have been implemented last February during tuition consultations. Right now, students have already enrolled and a refund would only be chaotic if not disrupt the academic sessions during the schoolyear.

CHED is no different from the public works agency of the government which cleans drainage canals, floodwater gates and fixes potholes during the rainy season when it should be done during summer.

Is CHED merely placating public frustration over the rising cost of education or is this a sincere intention to reform the higher education system? Is CHED now ready to protect the welfare of students and parents after years of being the unofficial spokesperson of school owners?

The other good news is that President Gloria Macapagal-Arroyo has ordered a freeze on tuition increases in the state universities and colleges. But the bad news is that government funding for public schools has been reduced. Now, school administrators are at a loss on where to get the money to run their schools well. The quality of public higher education would deteriorate further with dwindling resources and increasing enrollment.

May we remind the President that a tuition freeze would be advisable on private schools where seventy-five percent of college students are enrolled and fees are tremendously high. It would be a relief for parents and planholders of bankrupt pre-need firms.

The CHED memo and the President’s order are short-term measures to address the issue of access and equity in education. We need a new tuition regulation mechanism that would have sweeping and radical results in democratizing access to higher education.

After two decades of tuition deregulation, we can only boast of high school fees and a pitiful quality of education. The Philippine tuition system has miserably failed. It is time to learn what other countries are doing in order to balance the need to infuse resources in schools and the right of students to affordable college education.

Perhaps we should expand the bursary system or the student loan program. In the recent British elections, there was a debate between the Conservative and Labor Parties whether to abolish the tuition fees and allow the students to pay after they secured employment in the future. That is worth studying if it could be adopted in our country.

turn-off the tv

Nakakabanas tuwing naririnig ko sa radyo o napapanood sa TV ang patalastas na may batang babae na gusto raw maging star sa commercial tulad ni Sharon Cuneta kasi mas malaki raw ang kita.

Halimbawa ito ng maraming patalastas na pinapanood ng milyun-milyong bata araw-araw na nagbibigay ng maling mensahe o aral.

Sa tingin ko’y hindi lang dapat tayo magalit sa promo ng isang alak na nagtatanong sa publiko kung "nakatikim ka na ba ng kinse anyos". Wala itong pinagkaiba sa iba pang patalastas na tinuturuan ang mga tao na maging mayaman para maging masaya o kailangang pumayat o pumuti para maging maganda.

Naalala ko tuloy yung commercial ng buntis na Megastar kung saan araw-araw siyang kumakain sa Mcdo. Sinong matinong buntis ang kakain sa Mcdo ng buong linggo? Sinong doktor ang magpapayo na mabuti sa kalusugan ng isang buntis ang pagkain ng fastfood? Dapat hinamon noon si Sharon na sige nga, kumain ka nga ng hamburger araw-araw habang buntis ka.

Inis din ako dun sa commercial na may lolo at lola na nagluluto ng sinigang gamit ang instant mix kasi mas masarap daw ito kaysa sa totoong sampaloc.

Nilulunod tayo sa mga produktong magdudulot ng kanser dahil puro kemikal tulad ng mga softdrink at instant noodles.

Magiging genius daw ang mga bata dahil sa gatas na nilalako nila. Numero unong produkto sa bansa ang infant formula kahit breastfeeding pa rin ang kailangan ng mga sanggol.

Buong araw matiyagang nagtuturo ang mga eskuwelahan kung ano ang wastong pamumuhay at mawawalan lang ito ng saysay dahil pagdating ng hapon at gabi, isama na ang sabado’t linggo, ay tinuturuan ng TV ang mga bata kung paano maging bobo o makakuha ng samu’t saring sakit sa katawan.

Dapat nga lang magalit sa mga patalastas na gumagamit ng babae para bumenta ang kanilang produkto tulad ng alak, sigarilyo at kotse. Pero dapat silipin din ang mga cute na patalastas na mukhang nakakatuwa’t inosente pero may demonyong mensahe na tumatatak sa isip at kamalayan ng publiko.

Minsan nagagalit ako sa sarili ko kung bakit hindi pa namin simulan ang isang kampanya na maghihimok sa publiko na makakabuti sa kanilang katinuan, kalusugan at gastos sa kuryente, kung paminsan-minsa’y isasara nila ang kanilang TV.

frasier’s legacy

Balita sa Amerika ang mababang rating ng mga comedy sitcom dahil sa patuloy na pangingibabaw ng mga reality show. Maliban sa Everybody Loves Raymond, wala sa Top 30 ang mga lumang sitcom tulad ng Will and Grace at Joey.

Sa tingin ko ay hindi lamang rating ang dapat problemahin kundi ang kalidad ng mga programang pangkomedya. Pagkatapos magpaalam ng Frasier noong nakaraang taon, nawala ang isang palabas na may matalinong dayalog at sopistikadong paraan ng pagpapatawa.

Iisa lang ang istasyon ng Friends at Frasier pero higit na popular ang una kahit kinikilala ang huli bilang pinakamatagumpay na comedy series dahil sa dami ng nakuha nitong parangal mula sa mga manunuri at halos lahat ng award-giving body para sa TV.

Sinasabi ng mga aktor ng Frasier na ang kanilang programa ay masuwerteng tinangkilik ng publiko dahil hindi kumbensiyunal o pang-mainstream ang konsepto ng kanilang tipo ng pagpapatawa.

Hindi slapstick, toilet humor o mga karakter na may pisikal na depekto ang nag-iiba sa Frasier. Sa katunayan hindi nga pang-masa ang mga karakter ng programa dahil ang Frasier ay kuwento ng isang mayabang na radio psychiatrist at ng kanyang mga kaibigan at pamilya. Tampok sa istorya ang kumpetisyon sa pagitan ni Frasier at ng kanyang mas mayabang at mayaman na kapatid.

Pinatunayan ng Frasier na pwedeng magpatawa kahit hindi sumisigaw o nag-aasaran ang mga karakter o kaya ay dapat may mataba o kulot sa istorya o mga dayalog na wala namang katuturan.

Nangahas ang Frasier na humabi ng nakakatuwang istorya tungkol sa mga duktor at ang kanilang interes tulad ng mamahaling alak, opera, pelikula, art deco, french cuisine, caviar atbp. Ang magkapatid na duktor na walang alam sa isports ay kailangang makisama sa kanilang simple at mas madiskarteng ama na isang retiradong pulis. Kasama sa programa ang therapist at katulong sa bahay na lihim na iniibig ng kapatid ni Frasier at ang secretary ng duktor na walang problema sa paghanap ng lalaki.

Mahigit sampung taon sa ere ang Frasier at naging bahagi na ito ng kulturang popular. Gayunpaman, baka matagal-tagal pa bago ulit magkaroon ng programa na may mataas na respeto sa katalinuhan ng publiko at may kakayanang umakit ng maraming tagasuporta.

Samantala, maraming salamat muna sa DVD center ng Pilipinas sa Quiapo at nakabili ako ng Season 2 at 11 ng Frasier.

altar knights

Bukod kay Ramon Fernandez ng PBA, idolo ko noon si St. Tarcisius. Palibhasa’y lumaki akong deboto ng Nazareno sa Quiapo at pitong taong akong sakristan sa aming parokya. Sa katunayan, habang dinumog ng mga kaklase ko sa elementary ang Basketball Club, pilit kong niyaya ang pinsan ko na ang salihan namin ay ang Altar Knights.

Tarsicians ang tawag sa amin sa simbahan dahil gusto naming sundin ang halimbawa ni St. Tarcisius. Isa siyang labindalawang-taong gulang na sakristan noong panahon ng Roman persecution sa mga Early Christians. Si St. Tarcisius ang nagbibigay ng mga sakramento sa mga nakakulong na kristiyano dahil ang mga pari noon ay nagtatago sa mga catacombs.

Minsang papunta si St. Tarcisius sa mga preso ay hinarang siya ng mga kaibigan niyang di kristiyano at niyaya siyang maglaro. Tinanggihan niya ang mga kalaro subalit napansin na may hawak siyang kakaiba. Pilit inagaw ang hawak niyang pang-komunyon subalit hindi ito binigay ni St. Tarcisius.

Nakilala si St. Tarcisius na isang kristiyano at pinagtulungang bugbugin ang bata hanggang sa ito’y mamatay na mahigpit pa rin ang hawak sa banal na komunyon.

Itinuro sa amin sa parokya na kahit bata ay pwedeng maging santo tulad ni St. Tarcisius. Buhay man ay dapat ialay bilang paglilingkod sa Diyos.

Binibiro ako ng aking kapatid na natutunan ko raw sa simbahan ang dedikasyong binibigay ko ngayon sa pagiging aktibista. Yung kagustuhang maging mabuting tao at naglilingkod sa kapwa ay isang kristiyanong kaugalian.

Kunsabagay, kung gaano kalaki ang panahon at paniniwalang binibigay ko sa aking ginagawa ngayon bilang aktibista ay siya ring lalim ng aking pagkasangkot sa simbahan noong bata ako.

Maaaring tama ang aking kapatid. Subalit ang pananalig ko ngayon ay ibang-iba sa panatiko at metapisikal na pagsamba sa diyos noon. Konserbatibo pa rin ako sa maraming aspeto pero halos hindi ko na makita ang aking sarili bilang isang debotong sakristan. Nawala na ang bulag na paniniwala sa turo ng simbahan pero nabitbit ko ang mga kristiyanong aral na sikaping maging mabuti sa kapwa.

Idolo ko pa rin naman si St. Tarcisius at ikukuwento ko sa aking anak ang buhay ng batang Santo. Masama akong nilalang at marami akong kasalanan sa aking kapwa pero hindi ito pumipigil sa akin na tularan pana-panahon ang dakilang buhay ni St. Tarcisius, isang kabataang martir.