Swine, Sex at mga Pambansang Iskandalo

Talumpating binigkas sa student summit ng National Union of Students of the Philippines sa Kidawalan City, North Cotabato, May 22, 2009.

Maalab na pagbati! Ipinagmamalaki kong sabihing ako’y nagmula sa National Union of Students of the Philippines. Sa NUSP ko natutunan ang ilan sa mga batayang prinsipyo ng pamumuno. Sa NUSP ko nakilala ang marami kong kaibigan at mga kapanalig sa pakikibaka. Taong 1999 noong ako ay naging aktibo sa NUSP. Ang una kong gawain ay maging International Liaison Officer ng grupo. Kapag may bumibisitang mga lider mag-aaral mula sa ibang bansa, ako ang chaperone nila sa paglilibot sa mga kampus. Taong 1999 din nang mahalal ako bilang Vice President for Luzon ng NUSP. Ang Kongreso ng NUSP ay ginanap sa Infanta, Quezon. Taong 1999 din kinaltasan ng badyet ang maraming State Universities and Colleges. Galit na galit ang mga maag-aaral kay dating Pangulong Joseph Estrada. Hindi nakapagtataka’t maraming kabataan ang lumahok sa People Power II.

Taong 1999. Sampung taon na pala ang nakalipas. Marami na sigurong nagbago sa bansa. Noon beeper lang ang gamit ng marami; kaunti lang ang may cell phone. Ngayon kahit mga nasa Kinder may telepono na ring hawak. Noon masaya na kami kapag may dial-up ang internet sa mga kanto; ngayon naka-DSL na ata ang marami. Noon gusto ng maraming tumakbo si Bise Presidente Gloria Arroyo sa pagkapresidente; ngayon nais ng maraming tumakbo palabas ng bansa si Arroyo.

Pero may mga bagay-bagay din na tila hindi nagbabago. Nariyan pa rin ang Eat Bulaga tuwing tanghali. Inaprubahan ang Visiting Forces Agreement noong 1999; hanggang ngayon kontrobersiyal pa rin ang VFA. Si Erap nais palitan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Concord. Ibang pangalan pero Chacha pa rin ito sa esensiya. Hanggang ngayon gusto pa rin ng mga pulitiko ang sayaw ng Chacha. Noong 1999, ramdam pa rin ng Pilipinas ang hagupit ng 1997 Asian Financial Crisis. Ngayon may Global Financial Crisis at apektado pa rin ang Pilipinas. Mahirap pa rin ang mahirap. Yumayaman pa rin ang mayaman. Noon, 39.5 milyong piso lamang ang kayamanan ni Arroyo; ngayon aabot na ito sa P79.2 milyon. Hindi nakapagtataka’t ang mga palaban ay patuloy pa ring lumalaban.

Isa sa mga patuloy na lumalaban ay ang NUSP. Palaban, pasaway, pero prinsipyado pa rin ang NUSP. Nasa unahan pa rin ito ng mga laban para sa mga reporma sa edukasyon. Inaabante pa rin nito ang kagalingan ng mga estudyante, kabataan, at ordinaryong mamamayan. Inaabangan pa rin ang boses ng NUSP sa iba’t ibang pagtitipon ng mga makabayang samahan sa bansa. Patuloy na kinikilala ang mahalagang kontribusyon at pamumuno ng NUSP sa student movement sa Pilipinas.

Swine

Ngayong hapon ay naatasan akong magsalita tungkol sa kalagayan ng bansa at adyenda ng kabataan sa halalang 2010. Ano ba ang mga popular na isyu sa kasalukuyan? Magsisimula ako sa dalawa: swine flu at mga sex video ni Hayden Kho.

Mayroon akong teorya; malamang hindi na ito orihinal pero sasabihin ko pa rin. Bakit ba tayo nagpapanic sa A(H1N1)? Bakit tayo galit kay Hayden Kho, samantalang gusto nating panoorin ang kanyang mga sex video?
`
Minsan mahirap tanggapin ang katotohanan. Sabi nga ni Jack Nicholson, we can’t handle the truth. May mga katotohanang nakakalula, mga kumplikadong realidad, mga bagay-bagay na hindi madaling intindihin. Isang paraan upang marehistro ang mga pambihirang realidad sa ating kolektibong isip ay ang paggamit ng mga simbolo; o kaya nama’y paglipat ng ating atensiyon sa ibang bagay na mas madaling bigyan ng kahulugan.

Hindi kaya’t ang swine flu ay isang mekanismo ng tao upang magkaroon tayo ng pagkakataong ilabas ang ating tunay na pangamba hinggil sa nakakatakot na kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya. Ang swine flu at ang tinatawag nilang Greater Depression ng 2008 ay iisa: Nagmula sa laboratoryo ng Estados Unidos ang A(H1N1); samantala nagmula rin sa Amerika ang krisis pang-ekonomiya nang bumagsak ang mga higanteng bangko sa Wall Street. Ang swine flu at global crisis ay mabilis na kumakalat sa buong mundo. Wala pang bakunang naiimbento laban sa swine flu; wala pang nakikitang mabilis na solusyon upang guminhawa agad ang pandaigdigang ekonomiya. Upang harangin ang swine flu may mga inilalagay na thermal scanner sa mga daungan at paliparan. Upang makaligtas sa global crisis, ibinabalik ng maraming bansa ang mga safety net, banking regulation, at trade protectionist measure sa kanilang ekonomiya. Pansinin din ang pagpapakete ng mga ulat: Mukhang gusto tayong paniwalain na parehong misteryoso ang swine flu at global crisis; na wala tayong magagawa kundi tanggapin ang patuloy na pagtindi ng problema.

Hindi kaya’t ipinapakita ng swine flu scare ang totoong sentimenyento ng tao sa tinatawag nilang globalisasyon? Hindi kaya’t ang pag-aalala natin sa swine flu ay simbolo ng ating tunay na nararamdaman hinggil sa kalagayan ng ating buhay sa kasalukuyan? Na ang swine flu outbreak ay maging pandemic? Na ang global crisis ay maging Great Depression? Katapusan na ba ng mundo? Darating na ba ang paghuhukom?

Sex

Dumako naman tayo sa isa pang mainit at malaswang usapin. Hindi na bago ang mga sex video. Ang dami ng sex scandals sa bansa. Pero bakit tayo nagagalit kay Hayden Kho? Dahil ba pervert siya? Dahil ba sa pangbababoy niya sa mga kababaihan? Dahil ba sa pagpapakalat niya ng mga sex video? Dahil sintunado siya? Dahil hindi siya marunong magtago ng sikreto?

Hindi kaya’t ang galit ng marami sa sex video ay isang pagpapakita rin ng galit sa sunud-sunod na iskandalong pulitikal sa bansa? Hindi ba’t ang ginawang kabastusan ni Hayden Kho ay katulad din ng pambabastos na ginagawa ng gobyernong Arroyo sa mamamayan? Parehong walang hiya, walang respeto, walang kontrol sa kanilang masamang asal.

Kung tutuusin mas maraming kasalanan, mas maraming iskandalo ang gobyernong Arroyo. Pagnanakaw ng pera ng bayan, korupsiyon sa maraming ahensiya, paglabag sa karapatang pantao, pandaraya sa eleksiyon, pagharang sa katotohanan. Sobrang sakim sa kapangyarihan. Tulad ng mga naglipanang sex video ni Hayden Kho sa internet, marami ring ebidensiya laban sa gobyernong Arroyo. Palaging caught in the act ang Palasyo kapag may niluluto itong kalokohan. Kaso palaging nakakalusot ang Malakanyang. Laging dinadaan sa sindak ang publiko; laging pera ang solusyon upang bilhin ang suporta ng mga pulitiko.

Sobra na. Tama na. Lampas na. Harap-harapan na ang pambabastos. Garapalan na ito. Kaya naman nang lumabas ang mga video ni Hayden Kho, mabilis agad ang pagbuhos ng galit ng tao. Dapat siyang parusahan. Dapat managot sa krimen na kanyang ginawa nang paulit-ulit. Hindi kaya’t ito rin ang ating tunay na tindig sa gobyernong Arroyo? Naibaling natin kay Hayden Kho ang gusto nating gawin sa pervert na pamumuno ng pamahalaan.

Hindi totoong manhid na ang mga Pilipino. May kapasidad pa rin tayong magalit, mainsulto, magpakita ng simpatiya. Sa pamamagitan ng ating kolektibong pagkundena sa pagpapakalat ng mga sex video ay tila nagpahayag rin tayo ng matinding pagkasuklam at pagkamuhi sa maduming gobyerno sa kasalukuyan.

Dahil din sa sex scandal ay nabisto rin ang kawalan ng moral na awtoridad ng pamahalaang ito. Nang sumiklab ang iskandalo ay agad naglabas ng pahayag ang Malakanyang; isa raw itong pagpapakita ng moral outrage. Tama ang narinig ninyo: moral outrage. Kung aalahanin natin, tahimik ang Malakanyang nang lumabas ang balita ng panggagahasa sa isang kababayan nating Pilipina. Tahimik dahil ang inakusahang nanggahasa ay isang Amerikanong sundalo. Patuloy na walang kibo ang Malakanyang sa sunud-sunod na pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista, mamamahayag at iba pang kritiko ng pamahalaan. Bakit walang moral outrage laban sa Fertilizer Scam, NBN-ZTE scandal, Hello Garci at Euro Generals?

Mukhang pwede lamang ang moral outrage kung hindi ito patungkol sa bulok na pamamalakad ng gobyerno.

Halalan

Nabanggit ko ang global crisis at mga political scandal na kinakasangkutan ng gobyernong Arroyo dahil may kinalaman ang mga ito sa darating na halalan. Sa tingin ko ito ang dalawang pangunahing salik na makakaapekto sa resulta ng halalan.

Unahin ko na ang krisis sa ekonomiya. Inaasahang titindi pa ang pagsidhi ng krisis. Patuloy na babalik ang mga OFW sa bansa dahil sa lumiliit na bilang ng trabaho sa buong mundo. Dadami pa ang mga pabrikang magsasara, lalo na sa mga Export Processing Zone. Hindi ito magandang balita para sa maraming manggagawa. Sa paghina ng ekonomiya, lalong lulubha ang kahirapan sa bansa. Mabibisto ang malambot na pundasyon ng ekonomiya; mapapatunayang matagal nang nagsisinungaling si Arroyo hinggil sa tunay na kalagayan ng ekonomiya.

Pakikinggan ng masa ang mga lider na may matalas na pagsusuri sa mga programang pang ekonomiya ng gobyernong Arroyo. Papatok ang mga kandidatong may kongkretong programa para sa pagpapaunlad ng ekonomiya. Seseryosohin ng mga botante ang mga grupong may alternatibong adhikain upang isalba ang ekonomiya.

Kung ekonomiya ang nangungunang prayoridad ni Arroyo, sino pa ang maniniwala sa kanya ngayong dapang-dapa na ang ekonomiya ng bansa?

Kaya naman si Gng. Arroyo rin ang isa pang salik sa darating na halalan. Sinumang kandidatong dikit sa kanya ay tiyak na matatalo. Walang matinong kandidatong mangangahas na lumapit sa kanya. Kahit mga kapartido niya lalayuan siya. Parang sumpa ang kanyang basbas. Matutulad siya kay US President George Bush. Hiniling ng mga kapartido niya na huwag siyang aktibong mangampanya kay John Mccain dahil sa kanyang mababang reputasyon. Nakakahiya, di ba? Ikaw ang nakaupong presidente pero walang pumipila para sa iyong suporta.

Mahalagang matuloy ang eleksiyon sa 2010. Pagkakataon ito upang hatulan si Arroyo at ang kanyang mga crony sa gobyerno. Dapat makatikim sila ng TKO sa mga presinto. Pwede ring maghalal ng mga bagong mukha, mga bagong lider na may dala-dalang plataporma ng pagbabago. Sa pamamagitan ng matalinong pagboto, pwede nating patunayan na tayo’y handang-handa na upang baguhin ang uri ng pulitika sa bansa.

Ano ang ating adyenda sa susunod na taon?

Bibiguin natin ang tangka ng gobyernong Arroyo na magtagal pa sa Malakanyang. Agad nating sasampahan siya ng mga kasong kriminal pagbaba niya sa pwesto. Kikilos tayo para sa isang malinis, mapayapa, at mabilis na botohan at bilangan.

Pangunahing adyenda natin ang reporma sa edukasyon. Kayo mismo ay saksi sa mga pang araw-araw na problema ng ating mga eskuwelahan. Kulang-kulang at bulok ang maraming pasilidad sa ating mga eskuwelahan dahil sa mababang badyet sa edukasyon. Halimbawa, kailangan pa rin natin ng 7,087 klasrum sa elementary at hayskul; samantalang kailangan pa ng 2,667 bagong klasrum para sa pre-school level. Kulang tayo ng 63 milyong textbooks, 39,000 guro at walong libong principals. Nasaan ang pondo para sa edukasyon?

May kinalaman sa edukasyon ang problema sa kalusugan ng mga bata. Ayon sa pamahalaan, 21 percent ng mga mag-aaral ay malnourished. Sa elementary, 37 percent ay may iron deficiency anemia, 36 percent ay may vitamin A deficiency, at 67 percent ang may intestinal helminthiasis. Mayroong isang duktor sa bawat 80,000 estudyante; isang dentista sa bawat 20,000 mag-aaral; at isang school nurse sa bawat 5,000 mag-aaral.

Simple lamang ang solusyon sa krisis sa edukasyon: political will.

Ang huling bahagi ng talumpati ay pag-uulit lamang ng huling bahagi din ng talumpating binigkas sa CEGP convention.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.